Zubiri inihirit na ibalik simula ng pasukan sa Hunyo

Nanawagan si Senate President Juan Miguel Zubiri sa Department of Education (DepEd) na agad na ibalik sa Hunyo ang umpisa ng school year sa bansa.

Nanawagan si Senate President Juan Miguel Zubiri sa Department of Education (DepEd) na agad na ibalik sa Hunyo ang umpisa ng school year sa bansa.

Dinahilan ng senador sa kanyang panawagan ang matinding init na nararanasan ngayon sa bansa, na nagresulta sa sunod-sunod na pagsuspinde ng face-to-face classes.

“Ngayon po halos linggo-linggo nagkakaroon ng school suspensions because it really is not conducive to the learning environment kung nasa 35 to 40 degrees po yung init ng panahon sa loob ng paaralan nila. Kaya I’m hoping that the DepEd Secretary, Secretary [Sara] Duterte, can push for the restoration of the former summer classes, or summer break which was starting second week of March until first week of June,” saad ni Zubiri.

Ayon pa sa senador, inatras niya ang inihain niyang SB No. 788 na target sanang gawing Agosto ang pasukan sa buong bansa.

Para kay Zubiri, mas mainam pang simulan ang pasukan tuwing Hunyo, na siyang dating school calendar.

“Pagdating po ng June, umuulan na po, medyo mas malamig at ligtas po ang ating mga kabataan sa ganitong klaseng unbearable, intolerable, very dangerous heat index pagdating po ng ating mga summers,” dagdag pa ni Zubiri.

“That would be the best, I think, gift that we could give them sa susunod na taon,” aniya pa.