Yes, boss! Romualdez: Ipapasa kaagad ang 2024 budget ngayon certified urgent ito

Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, sigurado nang maipapasa sa third and final reading ang panukalang batas para sa national budget ng 2024 dahil sa tulong na rin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na maipapasa na sa third and final reading sa susunod na linggo ang P5.768 trilyong General Appropriations Bill (GAB), o ang panukalang national budget para sa 2024.

Paliwanag ni Romualdez, ito ay dahil sa pag-certify ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na urgent ang GAB, jung kaya’t maaari nang ipasa ng House of Representatives sa second at third reading ang nasabing panukala sa parehong araw.

Kung walang certification ng pangulo, kadalasang may three-day wait period pa bago ipasa ang isang panukalang batas matapos itong ipasa sa second reading. Dahil dito, target ni Romualdez na maipasa na sa third reading ang GAB sa susunod na Miyerkules, Setyembre 27.

Pinapurihan naman ni Romualdez ang aniya’y liderato ni Marcos na siyang tumulong para maisulong ang national budget.

“We appreciate President Marcos’ leadership and his prioritization of the national budget. His decision to certify this crucial legislation as urgent reflects his unwavering commitment to the welfare and progress of our nation,” sambit niya.

Kung maaprubahan na, ipapasa ng Kongreso sa Senado ang GAB. Inaasahan namang pipirmahan na ng pangulo ang national budget para sa 2024 sa Disyembre.