Yari ang pasaway! Comelec, naghain ng disqualification cases laban sa 35 na kandidato sa BSKE para sa premature campaigning

Maghahain pa ng karagdagang petisyon ang Commission on Elections (Comelec) laban sa mga pasaway na kandidato matapos kumpletuhin ang mga ebidensya laban sa kanila, ayon sa isang opisyal.

Nagsampa na ng disqualification cases ang Commission on Elections (Comelec) on Friday laban sa 35 na kandidato sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) dahil sa diumanong pagkampanya na wala pa sa takdang panahon.

Pinangunahan ni Comelec Director Nick Mendros, pinuno ng “Task Force Anti-Epal,” ang paghain ng reklamo sa tanggapan ng Clerk of the Commission ngayong Biyernes, Setyembre 29.

“Ngayon, we have filed 35 petitions for disqualification. That would be 35 candidates,” ani Mendros.

Mga kandidato sa National Capital Region, Central Luzon, at Calabarzon ang sinampahan ng kaso, ayon kay Mendros.

Ipinagbabawal ng Omnibus Election Code ang pagkampanya ng wala pang umiiral na campaign period na itatakda ng Comelec.

Kasama na rin sa mga nireklamo ang mga social media posts at pagsabit ng mga poster na nagpapakita sa mga kandidato na tumatakbo sila para sa BSKE.

Ayon sa opisyal, mayroon hanggang Oktubre 30 para maghain ng mga disqualification petitions.

“Marami-rami pa po kaming i-evaluate ng complaints at mga answer. And we hope to file more cases, some petitions this week,” ani Mendros.

“We are sure that they have violated Section 80. Of course, we submit to the sound discretion, decision of the division,” dagdag pa niya.