X (Twitter) account ng PH Coast Guard, kinalikot ng hacker

Napasok ng hacker ang X (Twitter) account ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Huwebes ng umaga.

Napasok ng hacker ang X (Twitter) account ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Huwebes ng umaga.

Napansin ng mga netizen na pinalitan ang pangalan ng social media account ng PCG at ginawa itong “SatoshiVM.”

Pinalitan din ang bio sa X ng PCG, kung saan naging tungkol sa cryptocurrency na “Bitcoin” ang inilagay ng hacker sa naturang social media account.

Kinumpirma ng PCG na na-hack ang kanilang account, ngunit agad naman nila itong na-retrieve.

“As of 11:30AM, we are glad to announce that we have retrieved access to our official X account with assistance from the X Support Team,” ayon sa pahayag ng PCG.

“We have also strengthened our security measures to protect our account against security breaches,” saad pa nito.

Hindi ito ang unang beses na may nagtangka na ang i-hack ang social media account ng isang government agency.

Matatandaan na unang naiulat ng Department of Information And Communications Technology (DICT) na may sumubok na mapasok ang email ng kanilang ahensya, pati ang website ng National Coast Watch maging ang personal website ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Batay kay DICT spokesperson Renato Paraiso, napag-alaman nila na mula sa China nanggaling ang pangha-hack.

“We are not attributing this to any state. But using the internet protocol addresses, we pinpointed it to China,” saad ni Paraiso sa isang radio interview.

Mariin naman itong tinutulan ng China, at kinontra rin ang ilang nagsasabi na may kinalaman ang mga cyberattack sa Pilipinas sa dispute sa West Philippine Sea (WPS).

Isa ang PCG sa mga nangunguna sangay ng gobyerno na nagbabantay sa teritoryo ng bansa, kasama ang WPS.