Wish granted! Italy coach nakilala ng personal si Manny Pacquiao

Isang pangarap ng banyaga ang tinupad kamakailan lamang ni Manny Pacquiao.

Isang pangarap ng banyaga ang tinupad kamakailan lamang ni Manny Pacquiao.

Pagdating pa lamang ng koponan ni Gianmarco Pozzecco na Italy para sa FIBA World Cup, ipinabatid na niya ang kanyang paghanga sa Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao—at ang kagustuhan nitong makita ang eight-time boxing world champion.

“I want to meet Manny Pacquiao, he’s my idol,” ani Pozzecco, coach ng Italian National Team.

Makailang beses rin niyan inulit ang kahilingang ito.

“I want to meet Manny Pacquiao. Organize this kind of match please. Thank you,” sambit muli ni Pozzecco.

At nitong Huwebes, sa kalagitnaan ng bakbakan sa FIBA World Cup, ay natupad ang pangarap ni Pozzecco nang paunlakan ni Pacman ang munti nitong kahilingan. Nagkita ang dalawa sa mansiyon ng Pambansang Kamao, kung saan sila ay nag-dinner at naglaro pa ng chess.

“Just because I said it a couple of times, he invited me to his house,” sambit ni Ponzzecco sa media matapos manalo ang Italya kontra Serbia nitong Biyernes, Setyembre 1. “I know you people from the Philippines are amazing. I swear to God you are amazing people.”

Bilang pagpapasalamat, binigyan rin ni Pozzecco ng special Italy jersey si Pacquiao, na tinawag rin niyang “nice person” sa nasabing panayam.

Ang koponan ni Pozzecco ay kasalukuyan pang lumalaban sa FIBA World Cup, at may pagkakataong mag-kampeon.