Werk, werk, werk! DOLE, nakapagbigay ng higit 2 milyong trabaho sa pamamagitan ng PESO

Mahigit dalawang milyong Pilipino ang natulungan ng DOLE na makahanap ng trabaho sa pamamagitan ng mga Public Employment Service Offices nito.

Mahigit dalawang milyong naghahanap ng trabaho ang natulungan at kalaunan ay natanggap sa tulong ng Public Employment Service Offices (PESOs) ng mga local government units (LGUs) sa buong bansa, ayon ito sa ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Huwebes, Oktubre 26.

Sa isang pahayag, sinabi ng ahensya na 2.4 milyon jobseeker ang natanggap sa trabaho sa tulong ng PESOs sa 91% placement rate sa buong bansa.

“This is 6 percent increase compared to the previous year,” saad nito.

Ang mga PESO ay nakabatay sa bawat komunidad at pinanatili ng mga LGUs at ilang state universities at mga college, na naatasang tiyaking maagap,napapanahon, at mahusay ang pagpapasok sa trabaho ng mga Pilipino.

Sila ay nakaugnay sa mga DOLE regional office para sa koordinasyon at teknikal na pangangasiwa, at ang DOLE Central Office ay bumubuo ng national employment service network.