‘We are on track’: Senado, tiwalang maaprubahan ang P5.768-trilyong panukalang budget sa itinakdang oras

Batay sa iskedyul, Disyembre 16 ang tinitignang araw para mapirmahan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang budget para sa 2024.

Kumpiyansa si Senate President Juan Miguel Zubiri na maaaprubahan ang 2024 General Appropriations Act (GAA) sa itinakdang oras matapos tapusin ng Senado ang plenaryo nito kung saan tinalakay ang mga panukalang budget ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.

“We are on track as to the schedule of passing a budget on time and as to our promise of one that funds the nation’s progress and the welfare of the people,” giit ni Zubiri.

BASAHIN RIN: Maka-Pilipino ‘yan: P5.768-trilyong panukalang budget, tugon sa pangangailangan ng taumbayan—Zaldy Co

Dagdag pa niya, ang pagtapos ng Senado sa plenaryo nito noong Martes, Nobyembre 21, ay patunay lamang na ginagawa nito ang lahat upang maipasa na ang budget para sa 2024.

“Halos dalawang linggo na rin tayong marathon sessions at inaabot ng halos bukang-liwayway sa ating deliberations. Puyatan pero kailangan. Mabuti na lamang at mayroon tayong mga senador na ubod ng sisipag at sanay sa walang tulugan, pareho mula sa majority at minority,” aniya.

Matapos ang plenaryo, dadaan naman ang GAB sa ikalawa at ikatlong pagbasa, na nakatakda naman ngayong Miyerkules, Nobyembre 22.

BASAHIN RIN: ‘We will pass it on time’: P5.768-T national budget pasado sa Senado sa lalong madaling panahon—Senate President

Target ng Senado na maipasa na ang GAB sa Nobyembre 27. Pagkatapos nito ay magsasagawa naman ng bicameral conference ang Senado at House of Representatives mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.

Batay sa iskedyul, Disyembre 16 ang tinitignang araw para mapirmahan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang GAB para sa 2024.