Wanted na si Quiboloy nilatag kondisyon para lumutang

Nagbigay si Pastor Apollo Quiboloy ng panibagong kondisyon bago niya harapin ang mga kaso laban sa kanya.

Nagbigay si Pastor Apollo Quiboloy ng panibagong kondisyon bago niya harapin ang mga kaso laban sa kanya.

Sa kanyang audio message ngayong Sabado, hinamon ni Quiboloy si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), Department of Justice, at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na maglabas ng isang dokumento.

Ani Quiboloy, dapat nakasaad sa written document ang garantiya na hindi makikialam ang US sa kanyang mga kaso.

“Ito po ang kondisyon ko: Bigyan niyo ako ng garantiya na hindi mangingialam ang mga puti sa kaso sa Pilipinas. Hindi mangingialam ang FBI, ang CIA, ang US Embassy,” saad ng pastor sa audio message, kung saan ‘puti’ ang tawag niya sa mga taga-US.

“Bigyan ako ng garantiya ng presidente ng Pilipinas. Bigyan ako ng garantiya ng secretary ng Department of Justice… PNP, NBI, CIDG,” dugtong pa niya.

Ang ugat ng kondisyon na ito ni Quiboloy ay ang ‘di umano’y pakay ng US na siya ay ipapatay. Tinatawag niya itong ‘extraordinary rendition.’

Ayon kay Quiboloy, ang mga pagdinig ng Kongreso at Senado sa kanya ay patibong lamang. Sa oras raw na siya ay lumitaw, dadalhin agad siya sa kamay ng mga Amerikano. Inakusahan din ng pastor ang US na binabantayan siya sa pamamagitan ng mga drone.

“Bigyan ng garantiya na hindi mangingialam ang mga Amerikano, at walang mangyayaring extraordinary rendition. Ako po ay lilitaw at haharapin lahat ng kasong ‘yan kahit ‘san niyo dalhin dito sa Pilipinas,” dagdag pa ng pastor.

Noong nakaraang buwan ay naglabas ang kampo ni Quiboloy ng 17 kondisyon bago niya harapin ang mga reklamo laban sa kanya.

Patuloy pa ring pinaghahanap ng mga awtoridad ang lider ng Kingdom of Jesus Christ.