Wanted na si Quiboloy, isa raw bayani para kay Robin

Binigyang-linaw na ni Senador Robin Padilla ngayong Huwebes ang dahilan ng pagkontra niya sa pag-aresto kay Pastor Apollo Quiboloy.

Binigyang-linaw na ni Senador Robin Padilla ngayong Huwebes ang dahilan ng pagkontra niya sa pag-aresto kay Pastor Apollo Quiboloy.

Sa isang press conference, inilarawan ni Padilla si Quiboloy bilang bayani.

“May sarili akong dahilan. Ang sarili kong dahilan – para sa akin, naging biktima si Pastor kasi nilabanan niya ang New People’s Army (NPA). Yan ang sarili ko,” wika ni Padilla.

“Hindi deserve, para sa mga mata ko, na ang isang taong tingin kong bayani sa pakikipaglaban niya sa komunista, na naging kasama ko, eh ganitong klase, papayagan ko maiskandalo? Teka muna,” paliwanag pa ng mambabatas.

Gayunman, itinanggi ni Padilla na kinakampihan niya si Quiboloy dahil sa kanilang pinagsamahan. Aniya, sa korte dapat imbestigahan ang pastor.

“Meron tayong korte at ang korte natin, yan ang simbolo ng justice. Sa kanila ang justice. Walang pinakamagandang avenue para humingi ng hustisya ang mga biktima kung meron,” dagdag pa niya.

Si Padilla ang unang senador na kumontra sa pag-cite for contempt kay Quiboloy. Ang pastor ay pinapatawag ng Senado para harapin ang mga reklamong human trafficking, forced labor, at mga pangaabusong sekswal.

Sa Kamara ay nadidiin din si Quiboloy sa paglabag umano ng Sonshine Media Network Philippines sa prangkisa nito.

Ang mga reklamong kinakaharap ni Quiboloy sa Senado at Kamara ay bukod pa sa mga kasong inihain sa kanya sa America.

Ang self-proclaimed na “Appointed Son of God” ay wanted sa US sa mga kasong conspiracy to engage in sex trafficking, sex trafficking of children, sex trafficking by force, fraud and coercion, conspiracy, and bulk cash smuggling.