Walang piyansa! Isa pang warrant vs Pastor Quiboloy inilabas

Patuloy ang pagliit ng mundo ng self-proclaimed 'Owner of the Earth' na si Pastor Apollo Quiboloy matapos ilabas ng Pasig City Regional Trial Court ang isa pang warrant of arrest laban sa kanya ngayong Huwebes.

Patuloy ang pagliit ng mundo ng self-proclaimed ‘Owner of the Earth’ na si Pastor Apollo Quiboloy matapos ilabas ng Pasig City Regional Trial Court ang isa pang warrant of arrest laban sa kanya ngayong Huwebes.

Ang warrant ay para sa kasong human trafficking. Wala ring piyansa para rito.

Tinangka pa ng kampo ni Quiboloy na harangin ang paglalabas ng naturang warrant nang maghain sila ng Motion to Defer/Suspend Proceedings and Hold in Abeyance Issuance of Warrant of Arrest. Ang mosyon nila Quiboloy ay dahil umano sa hinihintay pa nilang Motion for Reconsideration mula sa Department of Justice.

Gayunman, ayon sa Pasig RTC, hindi sakop ng batas ng korte ang katwiran nila Quiboloy para maharang ang paglalabas ng warrant.

“Clearly, from the foregoing, there is no basis for this court to suspend the proceedings by reason of the filing of a motion for reconsideration on the Resolution of the petition for review before the Department of Justice as this is not one of the grounds stated under Section 11, Rule 116 of the Rules on Criminal Procedure,” saad ng korte.

Ito na ang ikalawang warrant of arrest laban sa pastor. Ang una ay inilabas ng isang korte sa Davao City kaugnay naman ng kasong child at sexual abuse.

Sa kabila ng mga kinahaharap na kaso, patuloy ang pagtatago ni Quiboloy.