Walang patumpik-tumpik! Panukalang 2024 budget ng Office of the President lusot na sa Senate subcommittee

Mas mataas ang panukalang budget ng Office of the President ng P1.6 bilyon para sa susunod na taon kumpara sa kasalukuyan, at inaprubahan naman agad ito ng Senate finance subcommittee.

Inaprubahan agad ng Senate finance subcommittee ang P10.7 bilyong budget ng Office of the President (OP) para sa 2024.

“There are no colleagues, that means I think they have a vote of confidence in your budget, so we will favorably endorse your budget for plenary consideration,” sambit ni Senator Sonny Angara sa pagdinig.

Sa isang pahayag, sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na humingi ang OP ng “modest increase” para sa 2024 dahil na rin kailangang dumalo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mas maraming mga pulong at public engament.

Ang ipinasang budget ng Senate finance subcommittee ay mas mataas ng P1.6 bilyon kumpara sa 2023. Sa P10.7 bilyong hiningi ng OP, P4.56 bilyon dito ay confidential and intelligence funds, subalit hindi na ito kinuwestiyon ng komite bilang courtesy sa tanggapan ng Pangulo, na matagal nang ginagawa.