Walang patayan! Drug war killings sa Marcos admin, 95% mas mababa vs Duterte admin

Malaki ang ibinaba ng mga naitalang pagpatay na may kaugnay sa anti-illegal drugs operation sa kasalukuyang administrasyon kumpara sa madugong war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Malaki ang ibinaba ng mga naitalang pagpatay na may kaugnay sa anti-illegal drugs operation sa kasalukuyang administrasyon kumpara sa madugong war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa tala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), mula nang maupo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hanggang nitong Disyembre 31, 2023 ay 195 na drug suspect lamang ang napatay.

Mas mababa ito ng 95% kumpara sa unang isa’t-kalahating taon ng Duterte administration, kung saan umabot sa 3,968 ang mga ‘di umano’y drug addict at drug pusher na napatumba.

Bukod pa rito, 75,880 lamang ang mga naarestong drug suspect, na mas mababa kumpara sa 119,058 noong Duterte administration.

Ayon sa PDEA, bunga ito ng pagbabago sa paraan ng pamahalaan na labanan ang paglaganap ng ipinagbabawal na gamot.

“Drawing lessons from the past on how destructive the drug war can be if it is carried out by lethal force, the Marcos government opted to adopt a more humane approach to solve the drug problem,” saad ng PDEA.

Sa kabila ng mas mapayapang paraan ng paghuli sa mga drug addict at drug pusher, mas marami pa ring nakumpiskang droga ang Marcos administration kumpara sa sinundan nitong administrasyon.

Pumalo sa P31.07 bilyon ang halaga ng ipinagbabawal na gamot na nasamsam sa ilalim ng panunungkulan ni Marcos, mas mataas kumpara sa P19.22 bilyon noong si Duterte pa ang pangulo.