Walang off-duty sa serbisyo publiko! Tauhan ng BI na na-aktuhang nanakit ng taxi driver, maaaring kasuhan—opisyal

Bagaman off-duty ang immigration officer na sangkot sa road rage, tiniyak ni Immigration chief Norman Tansingco na sisilipin ng ahensya kung may mga paglabag nga ba ito sa mga polisiya ng civil servants.

Tiniyak ng Bureau of Immigration (BI) nitong Linggo, Enero 7, na iimbestigahan nito ang immigration officer na sangkot sa isang insidente ng road rage sa Taguig City.

Ang nasabing tauhan ng BI ay nakunan ng video na nananakit ng taxi driver na si Celso Delos Santos noong Biyernes ng hapon, Enero 5. Nag-ugat umano ang insidente matapos magkagirian ang dalawa sa kalsada.

Makikita sa viral video kung paano sinuntok at tinadyakan ng immigration officer si Delos Santos, na sinabuyan pa diumano ng juice ng una.

“Violence is never the answer,” paalala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco sa isang pahayag.

Bagaman off-duty ang immigration officer, sinabi ni Tansingco na sisilipin pa rin ng ahensya kung may mga paglabag nga ba ito sa mga polisiya ng civil servants.

Kaugnay niyan, pinaalalahan ni Tansingco ang lahat ng nagtatrabaho sa gobyerno na laging sumunod sa “higher standard” sa loob at labas ng opisina.