Walang nilabag na batas: Office of the Executive Secretary, nilinaw na legal ang pagbigay ng confidential funds sa OVP

Tiniyak ng Office of the Executive Secretary na hindi labag sa batas ang pagbibigay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos ng confidential funds sa Office of the Vice President dahil alinsunod ito sa Special Provision No. 1.

Naaayon sa batas ang pagbigay sa Office of the Vice President (OV) ng confidential funds na nagkakahalaga ng P221.424 milyon noong 2022.

Tiniyak ito ng Office of the Executive Secretary (OES) nitong Martes, Setyembre 5, makaraang kwestiyunin ito nga ibang mga mambabatas. Ang paglilipat ng pondo, ayon sa OES, ay alinsunod sa Special Provision No. 1 ng Contingent Fund na ibinaba noong nakaraang taon rin.

Ipinaliwanag rin ng OES na kinilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pangangailangang ilabas ang nasabing budget para makatulong sa mga proyekto ng OVP. Ito rin umano ay ginawa ng pangulo batay na rin sa rekomendasyon ng Department of Budget and Management (DBM).

“Under Special Provision No. 1, the President is authorized to approve releases to cover funding requirements of new or urgent activities of national government agencies, among others, that need to be implemented during the year,” pahayag ng OES.

“Vice President Sara, who was newly elected then, needed funds for her new programs for the remaining period of 2022. The President supported this initiative and released the funds, with the favorable recommendation of DBM,” dagdag pa ng opisina.