Walang na silang pinipili! AFP chief, naranasan mismo ang panggigipit ng China sa resupply mission ng Pilipinas patungong Ayungin Shoal

Lulan si Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Romeo Brawner Jr. ng Unaizah Mae 1, na binomba ng tubig at binangga ng mga bapor ng Chinese coast guard at militia ito, at tatlo pang barko ng Pilipinas noong Linggo, Disyembre 10.

Nasaksihan mismo ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Romeo Brawner Jr. ang pangha-harass ng mga bapor ng Tsina sa mga barko ng Pilipinas na nagsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal nitong nakalipas na linggo.

Sinabi ni Brawner sa panayam ngayong Lunes, Disyembre 11, na lubos niyang ikinagalit ang karanasan.

“Of course, galit na galit ako doon sa nangyari (what happened infuriated me),” sinabi ni Brawner.

“Naniniwala ako na hindi alam ng Chinese na ako ‘yung nandoon sa Unaizah Mae 1 kaya’t ganoon ‘yung nangyari, hindi sila nagbago ng taktika. Bagama’t ay nag-increase pa ‘yung kanilang aggressive actions,” dagdag pa niya.

Lulan si Brawner ng Unaizah Mae 1, na binomba ng tubig at binangga ng mga bapor ng Chinese coast guard at militia ito, at tatlo pang barko ng Pilipinas noong Linggo, Disyembre 10.

Maliban sa Unaizah Mae 1, napuruhan din ang makina ng M/L Kalayaan dahil sa pagbomba ng tubig.

Hindi naman nasaktan ang mga tripolante ng mga barko ng Pilipinas, ayon kay Brawner.

Kalaunan, nakadaong ang resupply mission, at nakadaupang-palad ni Brawner ang mga kawal sa BRP Sierra Madre. Ipinaabot ng AFP chief ang mensahe at pasasalamat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga kawal.

Sinabi pa ni Brawner na agad niyang i-uulat ang insidente kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at makikipagpulong sila sa National Task Force on the West Philippine Sea at National Task Force on Maritime Security para itala ang mga susunod na hakbang.