‘Walang mangyayaring phaseout ng lumang jeep’: Ilang transport groups, suportado ang PUV Modernization ng gobyerno

Iginiit ng Magnificent 7 na walang mangyayaring phaseout ng mga lumang jeepney.

Suportado ng ilang transport groups ang public utility vehicle modernization program (PUVMP) ng pamahalaan.

Sa isang pahayag, sinabi ng mga kasapi ng Magnificent 7 na patuloy silang nakikipag-usap sa Department of Transportation (DOTr) at mga ahensya nito para sa “just transition” mula tradisyunal na jeepney papuntang modernong jeep.

“Walang mangyayaring phaseout ng ating mga tradisyunal na jeep. Ito ay ayon na rin sa aming patuloy na pakikipag-usap sa mga opisyal ng ating pamahalaan,” giit ng naturang pahayag, na pinirmahan ni Pasang Masda national president Roberto “Ka Obet” Martin para sa mga kasapi ng Magnificent 7.

Ang mga kabilang sa grupong ito ay ang Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, Alliance of Concerned Transport Organization, Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines, Stop and Go, Liga ng Transportasyon at Operators ng Pilipinas, at Piston.

Sa parehong pahayag, hinikayat ng Magnificent 7 ang ibang transport group na suportahan rin ang PUVMP.

“Ito po ay kinakailangan upang ang ating bansa ay makasunod sa mga bagong teknolohiya upang mas maging ligtas at kumportable ang mga komyuter sa ating mga pampublikong transportasyon,” anila.