Walang lahing Pinoy? Gatchalian kutob na Chinese nanay ni Alice Guo

Kumbinsido si Senador Sherwin Gatchalian na ang nanay ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ay hindi Pinay, kundi isa ring Chinese national.

Kumbinsido si Senador Sherwin Gatchalian na ang nanay ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ay hindi Pinay, kundi isa ring Chinese national.

Sa pag-iimbestiga ni Gatchalian matapos malaman na tumira sa Valenzuela si Guo, ilan umano sa nagtrabaho sa warehouse nila Guo ay sinasabing Chinese umano ang nanay ng alkalde.

“Nagtanong-tanong ako sa nagtrabaho sa kanila, kung saan sila rumenta ng warehouse… itong taong si Wenyi, parang pinapakilalang nanay niya doon sa mga taga-Valenzuela,” saad ni Gatchalian.

“Ang assessment ko, this might be the biological mother of Alice Guo,” aniya pa.

Saad pa ni Gatchalian, sa lahat ng family business na rehistrado kina Guo ay may koneksyon si Wenyi.

Napag-alaman din ng mambabatas na 170 beses umanong bumiyahe si Wenyi kasama ng tatay ni Alice na si Jian Zhong Guo.

Matatandaan na sa pagdinig sa Senado, iginiit ni Alice na ang kanya umanong ina ay isang Pinay, at ‘love child’ umano siya ng kanyang ama sa naging kasambahay nito noon.