‘Walang kaso’: Garbin dinepensa si Co kay Villanueva

Ibinahagi ni Ako Bicol party-list executive director Alfredo Garbin Jr. ang ebidensya na walang bahid ng kahit anong kaso si Congressman Zaldy Co.

Ibinahagi ni Ako Bicol party-list executive director Alfredo Garbin Jr. ang ebidensya na walang bahid ng kahit anong kaso si Congressman Zaldy Co.

Ito’y bilang tugon sa mga alegasyon ni Senador Joel Villanueva na may kaso umano laban kay Co sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Sa personal na Facebook account ni Garbin, ipinakita niya ang clearance mula sa Office of the Ombudsman para malinaw na walang kahit anong pending na criminal o administrative case laban kay Co.

“The alleged cases against Cong. Zaldy Co are all falsehoods as evidenced by the Certification issued by the Ombudsman,” giit ni Garbin.

Humirit din si Garbin kay Villanueva dahil sa banat ng senador kay Co na sa impyerno raw napupunta ang mga sinungaling.

“According to Sen. Joel Villanueva, liars go to hell. He should now prepare for that trip,” pitik ni Garbin kay Villanueva.

Nag-ugat ang issue nang tila maliitin ni Villanueva ang mga party-list representative, na pinaparating na hindi magkalebel ang mga senador at mga nasa party-list.

Hindi ito nagustuhan ng mga kongresista, kasama na si Co, na sinabing masyado nang nagiging mayabang si Villanueva na umupo rin namang party-list representative para sa CIBA noong 2002 hanggang 2010.