Walang kadala-dala! 23 bagong kaso ng disgrasya sa paputok, naitala ng DOH; 2 biktima, pinutol ang kamay, daliri dahil sa pinsala

Paggamit rin ng iligal na paputok ang sanhi ng anim sa bawat 10 kaso ng fireworks-related injuries, ayon sa DOH. Muling paalala ng kagawaran na hindi dapat hayaan ang mga bata na paglaruan ang mga paputok.

Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 23 na panibagong fireworks-related injuries sa magdamag, at umabot na ang kabuuang bilang ng insidente sa 75 bago pa sumapit ang bisperas ng Bagong Taon 2024.

Nangyari ang lahat ng bagong kaso sa pamamahay ng mga biktima at kalapit na kalsada, at 14 sa mga ito ang gumamit ng iligal na paputok, ayon sa pinakabagong ulat ng DOH na ipinalabas ngayong Miyerkules, Disyembre 27. Nagsimula ang monitoring ng kagawaran mula 6:00 AM ng Disyembre 26 hanggang 5:59 AM ng Disyembre 27.

Nasa pagitan ng 6 at 55 ang edad ng mga biktima, at halos lahat ay lalaki.

Mula sa 23 na bagong kaso, nakapagtala ng dalawang panibagong pagputol ng daliri matapos gumamit ang mga biktima ng pla-pla, isang iligal na paputok.

Nilinaw rin ng DOH na nagkamali ang ulat sa kanila sa isang insidente ng pagputol ng kamay noong Martes, Disyembre 26. Ang opisyal na tala ng mga naputulan ng kamay o daliri ngayon ay anim, ayon sa kagawaran.

Mula sa kabuuang bilang ng mga nasaktan, nangmula sa Metro Manila ang anim sa bawat 10 kaso (30 kaso). Pangalawang pinakamaraming insidenteng naitala naman sa Central Luzon (siyam na kaso) at Ilocos Region (anim na kaso).

Paggamit rin ng iligal na paputok ang sanhi ng anim sa bawat 10 kaso ng fireworks-related injuries, ayon sa DOH.

Muling paalala ng kagawaran na hindi dapat hayaan ang mga bata na paglaruan ang mga paputok.

“They may be nice to see, but are deadly to hold. Parents should give the gift of complete hands and fingers to their children. Fathers and older brothers should set an example for the young men in their family,” ayon sa kagawaran.