Walang kadala-dala! 16 karagdagang biktima ng paputok, naitala ngayong Pasko 2023—DOH

Umakyat na sa 28 ang mga nasaktan kaugnay sa paggamit ng paputol, anim na araw bago magbagong taon, ayon sa ulat ng Department of Health (DOH).

Karagdagang 16 na bagong fireworks-related injuries ang naitala ngayong araw ng Pasko, Disyembre 25, ayon sa pinakabagong tala ng Department of Health (DOH).

Umakyat na sa 28 ang mga nasaktan kaugnay sa paggamit ng paputol, anim na araw bago magbagong taon, ayon sa ulat ng kagawaran.

Kabilang sa huling ulat na inilabas ng 6:00 ng umaga, Lunes, ang isang biktima na nagtamo ng sugat sa mata habang nanonood lamang sa isang designated area ng paputok.

Naglalaro ang edad ng mga biktima sa pagitan ng anim hanggang 35 na taon, at isa lamang sa kanila ang babae.

“About 94 percent took place at home or in the street. Many, 31 percent, happened in the National Capital Region,” sinabi ng DOH sa kanilang ulat.

Pitong insidente o 44% ng kabuuang bilang ay gumamit ng paputok na legal.

Sa 28 na kasong naitala, 10 na insidente ay tinukoy na “passive involvement” o nadamay lang sa paputok.

Mahigpit ang mga regulasyon at alituntunin sa paggamit ng paputok sa bisa ng Republic Act No. 7183 at Executive Order No. 28 series of 2017.

“Fireworks use both at or near the home and even at designated areas can still harm even those not lighting them,” sinabi ng DOH.

“It is better for professionals at community fireworks displays to do the show, with watchers far away at a safe distance,” dagdag pa nito.