Walang iwanan: Gobyerno, tutulungan ang mga retailer na apektado ng takdang-presyo ng bigas

Upang matiyak ito, ikinakasa ng gobyerno ang isang programa na magbibigay tulong at suporta sa maliliit na mangangalakal at retailer ng bigas na maaapektuhan ng EO 39.

Hindi pababayaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga maliliit na nagbebenta ng bigas at mga retailer nito kung sakaling sila ay maapektuhan ng Executive Order (EO) No. 39. Ang nasabing EO ay naglalayong maglagay ng price ceiling sa presyo ng bigas kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo nito.

Upang matiyak ito, ikinakasa ng gobyerno ang isang programa na magbibigay tulong at suporta sa maliliit na mangangalakal at retailer ng bigas na maaapektuhan ng EO 39.

Ang mga maliliit na mangangalakal na bumili ng kanilang mga stock sa mas mataas na presyo ay inaasahang malulugi gawa ng price ceiling na dapat ipatupad, kung kaya’t tinitignan na ng pamahalaan ang maaaring ibigay nito sa mga nasabing mangangalakal upang maiwasan nila ang pagkabangkarote.

Sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Assistant Secretary Agaton Uvero sa isang news forum sa Quezon City nitong Sabado, Setyembre 2, na kinikilala ng pamahalaan ang suliranin ng maliliit na retailer ng bigas na maaaring maapektuhan ng EO kaya naman gumagawa na ito ng mga paraan upang matulungan sila.

“Iyong lead agencies naman dito, LGUs and DILG tapos DA, DTI. Pagdating sa pagtulong sa maliliit na negosyante DTI parati naman iyong lead agency diyan eh,” paliwanag ni Uvero. “So may mga pinag-uusapan na subsidies, iyong mga ganoon.”

Nilinaw naman ni Uvero na wala pang kongkretong programa kaugnay rito, ngunit ito ay pinag-uusapan na ng kinauukulan.