Walang gulatan rito! Taas pamasahe sa MRT-3, gagawin sa 2024—DOTR

P115 kada pasahero ang totoong presyo ng pamasahe sa MRT-3. Ibig sabihin, P87 ng pamasahe ng kada pasahero ang sinasagot ng gobyerno sa pamamagitan ng buwis na ibinabayad ng lahat ng Pilipino sa buong bansa.

Nakatakdang tumaas ang pasahe sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa susunod na taon, matapos ang magkasunod na pagtaas ng pamasahe sa Light Rail Transit Lines 1 and 2 (LRT-1 at LRT-2) na ipinatupad nitong Agosto, ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Gagamitin ang dagdag na pamasahe sa MRT-3—na may pinakamaraming pasahero sa mga tumatakbong tren sa Metro Manila—para pondohan ang iba pang mga programa at proyekto ng gobyerno, paliwanag ni Transport Undersecretary Timothy John Batan.

Ipapantay ang pasahe ng MRT-3 sa sinisingil sa LRT-1 at LRT-2, na sumisingil ng P2.29 na boarding fare at P0.21 kada kilometro, sinabi pa ni Batan sa isang pulong balitaan noong nakalipas na lingo.

Kapag ipinatupad na ang taas-pasahe sa MRT-3 sa susunod na taon, itatakda na ang minimum fare mula sa kasalukuyang P13 sa P16, at ang pamasahe naman sa kabuuang linya ay tataas sa P34 mula sa kasalukuyang P28, ani Batan.

Hindi pa tinukoy ni Batan kung anong buwan ipatutupad ang taas-pasahe sa MRT-3, ngunit sinabi niyang itataon ito sa 2024.

“We will make an announcement on its effectivity. The public will just have to wait. Our target is not to implement it immediately. We will issue an advance notice to all the passengers so they will not be surprised with the adjusted fares,” giit ni Batan.

Walong taon na ang nakalipas matapos ang huling pagtaas ng pasahe sa MRT-3, na tumatakbo sa kahabaan ng EDSA mula North Avenue sa Quezon City hanggang Taft Avenue sa Pasay City. Tinatayang higit sa 350,000 pasahero ang sumasakay dito kada araw.

“We will not increase fares without reason. This is based on the maintenance and operations cost and to reduce government subsidy,” sinabi pa ni Batan.

Malaking bahagi ng pamahase sa MRT-3 ang sinasagot ng gobyerno sa pamamagitan ng subsidiya.

P115 kada pasahero ang totoong presyo ng pamasahe sa MRT-3, ayon sa DOTR. Ibig sabihin, P87 ng pamasahe ng kada pasahero ang sinasagot ng gobyerno sa pamamagitan ng buwis na ibinabayad ng lahat ng Pilipino sa buong bansa.