Walang duda, may press freedom tayo! PBBM, kaakibat sa malayang pamamahayag–opisyal

Ayon kay PTFoMS executive director Paul Gutierrez, malugod na tatanggapin ng pamahalaan ang UN Special Rapporteur, lalo pa't pagkakataon ito para patunayan sa mga kritiko na masigla ang malayang pamamahayag sa bansa.

Handang-handa ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patunayan kay United Nations (UN) Special Rapporteur on freedom of opinion and expression Irene Khan na mayroong malayang pamamahayag o press freedom sa bansa.

Iyan ang sinabi ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa isang panayam sa PTV-4 nitong Martes, Enero 16, matapos mapabalitang bibisita sa Khan rito upang suriin ang lagay ng pamamamahayag sa bansa.

Ayon kay PTFoMS executive director Paul Gutierrez, malugod na tatanggapin ng pamahalaan ang UN Special Rapporteur, at gagawin nitong lahat “to make Khan’s visit not only productive but comfortable for all.”

“Ito pong pagbisita ni Ms. Irene Khan ay gagawin po nating pagkakataon upang mai-highlight po ang katotohanan na ang Pilipinas po ay matibay sa pagtataguyod po ng mga karapatang pantao, lalo na po sa ating pamamahayag,” saad pa ni Gutierrez.

Ito rin aniya ay magandang pagkakataon para pabulaanan ang mga bintang ng kritiko na walang malayang pamamahayag sa bansa.

“Ang implikasyon po nito sa atin ay maibandera po natin o maibandila sa buong mundo na taliwas po sa sinasabi ng mga kritiko, sadya pong masigla at mayabong ang estado po ng pamamahayag sa ating bansa,” aniya.

Dagdag pa ni Gutierrez, Oktubre 2023 pa lamang ay nakipag-ugnayan na ang PTFoMs sa mga sangay ng pamahalaan na nais bisitahin ni Khan, kabilang na ang Department of Justice, Department of the Interior and Local Government, Korte Suprema, at House of Representatives.