Walang bawian sa ‘min: DOJ, itutuloy ang imbestigasyon sa anomalya sa LTFRB

Pinaalalahanan ng Department of Justice ang NBI na ipagpatuloy nito ang imbestigasyon sa mga anomalya diumano sa LTFRB kahit pa binawi na ni Jefferson Tumbado ang mga paratang niya laban sa suspendidong chairman Teofilo Guadiz III.

Bagaman binawi na ng whistleblower na si Jefferson Tumbado ang mga akusasyon niyang korupsiyon laban kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Teofilo Guadiz III, itutuloy pa rin ng Department of Justice ang imbestigasyon sa opisyal at sa mga paratang.

“That is part of the motu propio powers of the NBI (National Bureau of Investigation) and we have reminded them to investigate this,” paggigiit ni Justice Secretary Crispin Remulla sa isang press briefing.

Una nang pinaratangan ni Tumbado si Guadiz bilang isa sa mga sangkot sa garapalang korupsiyon sa LTFRB, na siya namang dahil sa pagkakasuspindi nito.

Subalit nito lang ay binawi rin ni Tumbado ang mga akusasyon niya, na tinawag niyang “unintentional” at “misguided.”

Gayunpaman, ipapatawag pa rin siya ng NBI Anti-Graft Division upang magpaliwanag sa mga nauna nitong akusasyon, lalo’t nanindigan itong may mga anomalya talaga sa LTFRB.