Wala nga, period! PCO, iginiit na walang troll farm, army ang gobyerno

Walang pinatatakbong troll farm o army ang gobyerno, ayon kay Communications Secretary Cheloy Garafil.

Iginiit ni Communications Secretary Cheloy Garafil na hindi gumagamit o nagpapatakbo ng anumang troll farm o army ang gobyerno.

Ginawa ni Garafil ang pahayag sa pagdinig ng Senado sa panukalang P1.79-bilyong budget ng Presidential Communications Office (PCO) para sa susunod na taon ngayong Lunes, Setyembre 18.

“For the record, Mr. Chair, wala po kaming troll. No troll farm, no troll army,” paglilinaw ni Garafil sa katanungan ng Senate finance subcommittee na pinamumunuan ni Senador JV Ejercito.

“Mr. Chair, mayroon lang po kaming 363 employees sa PCO,” dagdag pa ng opisyal.

Tinatanong ni Ejercito ang isyu matapos nitong mapansin na nagkaroon ang opisina ng 1,479 na tauhan sa empleyo nito noong nakalipas na administrasyon na pinaghihinalaang mga troll na nagkakalat ng maling impormasyon at balita sa mga social media sites.

Giit ni Garafil, mandato ng opisina ang paglaban sa fake news.

“Ang number one priority pa rin namin siyempre communication kay Presidente pero, of course, underlying that is ‘yung nasabi ninyo nga kanina, ‘yung fight against fake news kaya nga po ngayong taon, nag-launch kami ng media information literacy campaign para po matugunan ‘yung problema sa fake news,” ani Garafil, na isang dating mamamahayag.

Sa katunayan, pinangungunahan ng PCO ang pagsugpo sa pagkalat ng maling impormasyon at fake news sa pamamagitan ng Media and Information Literacy (MIL) Campaign Project katuwang ang iba’t ibang mga ahensya ng gobyerno.

“The MIL is the administration’s response to the disinformation and misinformation plaguing the country’s digital landscape, focusing on capacitating the youth to become more discerning consumers of media,” ayon sa PCO.