Wala nang makakapigil pa! DOJ: Dito sa Maynila gagawin ang imbestigasyon laban sa Socorro Bayanihan Services Inc.

Problema na ng Socorro Bayanihan Services Inc. kung papaano sila pupunta ng Maynila para sagutin ang mga alegasyon laban sa kanila, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

Iginiit ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) sa Maynila gagawin ang preliminary investigation laban sa mga miyembro ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) na inaakusahang sangkot sa trafficking at pag-abuso ng mga menor de edad.

“The process is we conduct a PI here; we call everybody here. If they don’t want to come, it’s their problem, not my problem,” ani Remulla sa isang pulong balitaan.

Nang tanungin tungkol sa kakapusan ng pondo ng SBSI para makapunta ng Maynila, sinabi ni Remulla na problema na nila iyon.

“‘Yung mga victims pwede naming gastusan,” aniya.

Inaasahang darating ang mga biktima sa mga susunod na araw. Nakatakdang dumalo sa pagdinig ng Senado ang mga biktima upang bigyan ng linaw ang mga akusasyon laban sa SBSI.

Samantala, pinag-aaralan na rin ng DOJ ang mga habeas corpus petitions na nagsauli ng dalawang biktima sa kanilang mga pamilya.

“I’m trying to have the counsels here, the lawyers study the habeas corpus decisions if they are in accordance with law, if there is anything irregular with the habeas corpus decisions. We will appeal it, if necessary,” ani Remulla.