Wala nang bawian! PNP-Forensics Group, pinanindigan ang resulta ng random drug test kung saan nagpositibo ang nasibak na hepe ng Mandaluyong Police

Hindi na kikilalanin ng Forensics Group ng Philippine National Police ang mga ginawang drug test sa sinibak na hepe ng Mandaluyong police dahil ibang sample na ang ginamit nito.

Nanindigan ang Forensics Group ng Philippine National Police (PNP) sa isinagawa nilang random drug testing kung saan nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga ang sinibak na hepe ng Mandaluyong City Police.

Ani Forensics Group director Brig. Gen. Constancio Chinayog na hindi kikilalanin ng kanyang opisina ang diumanong negatibong resulta na ipinakita ng dating hepe ng Mandaluyong police na si Col. Cesar Gerente.

“What we honor for purposes of investigation and challenging the tests we conducted is for third-party entities to conduct the drug test using the same urine sample where he tested positive,” paliwanag ni Chinayog.

Nagpositibo si Gerente sa paggamit ng iligal na droga noong Agosto 24 sa isang screening test na isinagawa sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Nagsagawa muli ng confirmatory testing noong Agosto 26 gamit ang sample na nakuha kay Gerente dalawang araw mula noong unang test, at nagpositibo pa rin ito sa methamphetamine hydrochloride, ang pangunahing sangkap ng shabu.

“He can present whatever he has, but for the Forensic Group, we stick to our findings,” diin ni Chinayog.

Pinasinungalingan naman ni Gerente ang mga naunang drug test.

“I am not an addict. I am not a user,” sinabi ni Gerente sa panayam sa telebisyon, at ikinalungkot ang pagtanggi ng pamunuan ng pulis sa isa pang urine test.

Sa pagtantya ni Gerente, maaari nasobrahan siya sa exposure sa mga ebidensya ng droga na nakakalap ng kanyang opisina, at sa paggamit niya ng gamot pampababa ng cholesterol at blood sugar.

Ipinakita rin niya ang mga negative test result sa isinagawa niyang drug testing kalaunan. Nag-negatibo siya sa mga test na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency at ng isang accredited testing center ng Department of Health.