Wala ka pala e! ‘Whistleblower’ sa anomalya diumano sa LTFRB, ‘di sinipot ang NBI

Mayroong subpoena si whistleblower Jeffrey Tumbado para humarap sa NBI upang maisiwalat niya ang kanyang mga nalalaman tungkol sa mga anomalya sa Land Transportation and Franchising and Regulatory Board, na una na niyang inakusahan ng korapsyon.

No show sa National Bureau of Investigation (NBI) ang tinaguriang whistleblower na si Jefferson Tumbado, ang dating opisyal ng Land Transportation and Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na nagparating na may malawakang korapsyon sa LTFRB.

Bagaman hindi nito sinipot ang NBI, na nagbigay ng subpoena para sa pormal niyang pagharap, hihintayin pa rin ng ahensiya ang pangako nitong makikipagtulungan sa imbestigasyon.

“Ang huling balita namin ay nagpaalam itong si Mr. Tumbado na hindi siya makakapunta dito sa tinawag na subpoena ng NBI at sinabi ng abogado nung una ay pupunta siya, yung abogado at ire-represent si Mr. Tumbado pero sa oras na ito ay napag-alaman namin na yung kanyang abogado na unang pumunta sa NBI ay nagbitiw na bilang abogado kay Mr. Tumbado at humihingi ng pagkakataon si Mr. Tumbado daw na kumuha ng panibagong abogado,” paliwanag ni Justice Undersecretary Brigido Dulay.

Nauna nang ibinulgar ni Tumbado ang umano’y mga anomalya sa LTFRB, subalit binawi rin nito ang mga nasabing paratang ilang araw pagkatapos ang akusasyon.

Gayunpaman, nangako ang NBI na itutuloy nitong imbestigahan ang mga alegasyon ni Tumbado.

Kasalukuyan suspindido ang chair ng LTFRB na si Teofilo Guadiz III dahil na rin sa mga parang ng korupsiyon.