Wala dapat kilingan: DepEd, pinaalalahanan ang mga tauhan nito na maging patas sa BSKE

Malaking papel ang gagampanan ng mga tauhan ng Department of Education sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Lunes, Oktubre 30, kung kaya't pinaalalahanan sila ng ahensiya na maging patas at huwag makikialam rito.

Pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang mga opisyal at personnel nito na manatiling patas sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), lalo na iyong mga magsisilbi sa Election Board.

Sa isang pahayag, sinabihan ng DepEd ang mga tauhan nito na huwag dapat makialam sa halalan sa kahit anong paraan upang maiwasan ang partisan politics.

Kaugnay nito, tiniyak ni Undersecretary for Operations Revsee Escobedo na gagampanan ng mga tauhan ng ahensiya ang papel nito sa halalan bilang bahagi ng kanilang mandatong hubugin ang magandang hinaharap ng mga mag-aaral ng bansa.

Batay sa datos ng DepEd, may kabuuang 494,662 guro ang tutulong sa BSKE sa Lunes, Oktubre 30.

Sa mga ito, 382,793 ang maninilbihan sa Electoral Board, samantalang 25,196 ang tatayong DepEd Supervisor Officials.

May 68,873 namang gaganap na Barangay Board of Canvassers at 17,800 na magseserbisyo sa iba’t ibang kapasidad.