Wag sanang sayangin ang pagkakataong magbago! 5K na PDLs, makakalaya ngayong Pasko dahil sa magandang asal, ugali habang nakapiit—BJMP chief

Inaasahan makakalaya ang aabot sa 5,000 persons deprived of liberty na makakakuha ng Good Conduct Time Allowance (GCTA), ayon sa isang opisyal.

Tinatayang aabot sa 5,000 persons deprived of liberty (PDLs) ang makakalaya ngayong buwan sa bisa ng kanilang Good Conduct and Time Allowance (GCTA), ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Ayon kay BJMP chief Director Ruel Rivera, aabot ang bilang ng mga kwalipikadong PDL sa pagitan ng 3,000 at 5,000 matapos kwentahin ng kawanihan ang GCTA nito. Sa bisa ng Republic Act No. 10592, o GCTA law, mababawasan ang sintensya ng mga PDL kapag nakitaan sila ng magandang asal at ugali habang nakakulong.

Sinabi pa ni Rivera na nakapagpalaya ang ang BJMP ng aabot sa 74,000 na mga PDL mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon nang ipatupad nila ang mga kautusan ng korte.

Kasama ni Rivera na talakayin ang nalalapit na National Jail Decongestion Summit si Sandiganbayan Associate Justice Karl Miranda, na sinabing dadaluhan ang pagtitipon ng mga miyembro ng hudikatura at ehekutibo para talakayin ang mga paraan para tugunan ang mga umaapaw na piitan sa buong bansa.

“What the Justice sector aims to do is to come together to coordinate and address common problems faced by the justice sector agencies. Ang end-goal po nito is to speed-up the delivery of swift and fair justice,” ani Miranda.