‘Wag sa Senado! Kaso ni Pastor Quiboloy dalhin sa korte – Padilla

Naniniwala si Senador Robinhood Padilla na hindi sa Senado dapat dalhin ang mga reklamo laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy.

Naniniwala si Senador Robinhood Padilla na hindi sa Senado dapat dalhin ang mga reklamo laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy.

Sa panayam ng DWIZ ngayong Sabado, hiniling ni Padilla sa mga umaakusa kay Quiboloy na sa korte ihain ang kanilang mga reklamo.

“Dapat siguro dalhin ito sa korte kasi siyempre tinitingnan natin ang parehong karapatan, may karapatan ang nag-aakusa at inaakusahan. ‘Yung ganitong usapin ang pinag-uusapan dito law and order na,” wika ni Padilla.

“Sa aking opinyon kung mayroon talagang kaso dalhin sa korte,” dagdag pa ng senador. “Sinabi na po ni pastor di siya pupunta (sa Senado). Palalakihin ba natin ito? Ang gusto ni Pastor Quiboloy dalhin na ito sa korte. ‘Yun naman po siguro ang dapat nating gawin.”

Nitong Lunes, inihayag ni Padilla na matagal na niyang kakilala ang pastor. Nagtulungan umano sila sa mga gawaing pangkapayapaan noong Arroyo administration.

Si Quiboloy ay nais imbestigahan ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa mga reklamong human trafficking, sexual abuse at forced labor. Natanggap na ng kampo ng pastor ang subpoena laban sa kanya.

Kaugnay nito, nagbabala si Sen. Risa Hontiveros na aarestuhin si Quiboloy sakaling dedmahin niya ang subpoena ng Senado.