Wag papabudol sa maling info! Walang confidential funds ang Kongreso — solons

“Fake news” ang simpleng paglalarawan sa kumakalat na impormasyon na diumanong mayroong confidential funds ang Kongreso, ayon kay House appropriations committee chair Rep. Zaldy Co.

Pinabulaanan ng liderato ng Kamara ang kumakalat na impormasyon na diumanong mayroon confidential funds ang Kongreso.

Sa isang pulong balitaan, hinikayat ni House appropriations committee chair Rep. Zaldy Co ang publiko na maging mapanuri sa mga kumakalat na impormasyon, matapos lumitaw sa social media na diumanong may confidential funds ang Kongreso sa tawag na “extraordinary expenses.”

“In short, that’s fake news,” mabilis na sagot ni Co, kinatawan ng Ako Bicol Party List, nang tanungin kung totoo ang impormasyon na confidential fund rin ang extraordinary expenses ng Kongreso.

Sinegundahan ito ni Marikina Rep. Stella Quimbo, isang tanyag na propesor sa economics, na nagpaliwanag sa malinaw na pagkakaiba ng confidential funds at extraordinary expenses.

“Magkaiba po ‘yong confidential dun sa extraordinary. ‘Yong extraordinary po ay fully auditable. Which is different from confidential and ang Congress ay wala po no’ng confidential,” ayon kay Quimbo, na tumatayo ring senior vice chair ng House appropriations committee.

“Iyong extraordinary po ay ‘yong katulad po halimbawa ng expenses during calamities, so that is an example of extraordinary expense. ‘Yon pong kakaiba po, parang ganun,” pagpapatuloy ni Quimbo.

“Hindi siya confidential,” diin pa ni House majority leader at Zamboanga City Rep. Mannix Dalipe.