‘Wag niyo na kaltasan, please: BSP, umaapela sa mga bangko sa pagtanggal ng singil sa maliliit na bank transfer

Nais ng Bangko Sentral ng Pilipinas na gawing pormal na ang pagtanggal ng mga fees sa mga malilit na digital transactions sa mga bangko at mobile app upang maengganyo ang mga Pilipino na subukan ang digital finance.

Hinimok ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga bangko at iba pang financial institutions na pormal nang tanggalin ang mga fee sa maliliit na transaksiyon.

Sa kasalukuyan, moral suasion lamang ang ginagawa ng BSP, na patuloy na nakikiusap sa mga concerned stakeholders na pagbigyan ang hiling nito hinggil sa pag-alis ng mga nasabing fees. Pero ayon kay BSP Governor Eli M. Remolona Jr., gumagawa na ang central bank ng mga hakbang upang opisyal nang matanggal ang mga kaakibat na bayad ng small transactions.

“(Moral suasion) works to a large extent, but we’re formalizing it into a whole payments framework,” sambit ni Remolona. “So, we’re talking to the Bankers Association of the Philippines on Friday about payments in general. We have some discussions and out of that we expect something more formal to come out.”

Ayon rin kay Remolona, na lumahok sa 2023 Alliance for Financial Inclusion (AFI) Global Policy Forum in Pasay City, nauna nang tinanggal ng Bank of the Philippine Islands, Metrobank, at UnionBank ang fee sa mga fund transfers na halagang P1,000 pababa—subalit pansamantala lamang.

Target ng BSP na maging permanente na ito at makumbinsi ang iba pang mga institusyon na makipagtulungan rin.