‘Wag niyo kaming subukan! Comelec: Batas pang-halalan, ipatutupad ng maayos, patas

Ipinaalala ng Comelec sa mga kandidato para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections na sumunod sa mga batas halalan dahil hindi mag-aatubili ang ahensya na ipatupad ang mga ito at hulihin ang mga lalabag dito.

Sa pagsisimula ng kampanya para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE), tila ganito ang mensahe ng Commission on Elections sa mga kandidato: ‘Wag niyo kaming subukan.

Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia, gagawin ng ahensiya ang nararapat, lalo pagdating sa mga lumalabag sa mga batas at patakaran sa halalan.

“Don’t ever misjudge our resolve to enforce with such might our election laws,” pagtitiyak ni Garcia sa mga kandidatong mag-aakala na hindi gagawin ng Comelec ang trabaho nito na ipatupad ang batas. “We are committed to the rule of law.”

Kabilang sa mga paglabag na titignan ng Comelec ay ang mga sumusunod:

• Pag-alis o pagsira sa mga pinapayagang propaganda

• Paglalagay o pamamahagi ng iligal na campaign materials

• Pamamahagi ng mga ‘donasyon’ o tulong

• Pagkakaroon ng special police o mga ahente

• Pamamahagi ng pondong pampubliko

“The start of the campaign period doesn’t mean a relaxed [in implementing] rules and regulations. On the contrary, all our efforts will be doubled to ensure full compliance thereof,” dagdag pa ni Garcia.

Tatagal ang campaign period hanggang Oktubre 28.