‘Wag na init ulo, baby! LTO sa mga motorista: Chillax lang sa kalsada

Paalala ng Land Transportation Office (LTO) sa mga motorista na laging maging mahinahon sa kalsada at maging magalang sa mga kapwa motorista kasunod ang kaliwa't kanang kaso ng road rage sa bansa.

Kasunod ng sunod-sunod na kaso ng road rage, pinaalalahanan ng Land Transportation Office (LTO) ang mga motorista na laging maging mahinahon sa kalsada at maging magalang sa mga kapwa motorista.

Nanawagan na ang LTO matapos ang isa nanamang road rage incident sa Marikina City na naging dahilan naman ng matinding trapik sa lugar ng insidente.

Kaugnay nito, nagbabala si LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II na mahaharap sa mga mabigat na parusa ang sinumang masasangkot sa kaso ng road rage.

“Magsisilbing aral ito sa ating mga kababayan na mabilis ang aksyon ng LTO dito at tiyak na may kaparusahan na ipapataw kaya kailangan na kontrolin ang galit dahil wala namang mabuting idudulot ito,” ani Mendoza sa isang news release na inilabas nitong Huwebes, Setyembre 28.

Nagbaba na rin ang LTO ng isang show-cause order sa nasangkot sa road rage incident sa Marikina, jung saan nabangga nito ang isang bisikleta at inatake pa ang rider nito.

“Huwag init ng ulo ang ipakita natin habang nasa daan. Dapat nating igalang ang ating mga kapwa road users upang maiwasan itong mga paulit-ulit na road rage incidents,” dagdag ni Mendoza.