‘Wag managinip ng gising! AFP pinabulaanan tinaboy ng China ang Navy sa WPS

Hindi totoong tinaboy ng China paalis ng Scarborough Shoal ang isang barko ng Philippine Navy, ayon sa AFP. Paniwala nito, propaganda lamang ito ng China.

Walang tinaboy na barko ng Philippine Navy ang China.

Pinabulaanan ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Gen. Romeo Brawner Jr. nitong Martes, Oktubre 10, na itinaboy ng Chinese Coast Guard (CCG) paalis ng Scarborough Shoal ang isang barko ng Navy kamakailan lang.

“Although pinapa-verify pa rin namin, wala namang ganun na nangyari so sa tingin ko propaganda lang ng China yun, galing sa Beijing yun, ‘di ba?” pahayag ni Brawner sa isang panayam sa media.

Una nang inanunsiyo ng CCG na pinaalis nila ang isang “Philippine Navy gunboat” na nakita nila sa Scarborough Shoal, o ang tinatawag na Huangyan Island ng China.

Puna naman ni Brawner nasa timog ng Scarborough Shoal ang barko ng Philippine Navy kaya imposible ang sinabi ng China.

Muli ring iginiit ni Brawner na pawing propaganda lamang ito ng China upang masabing may ginagawa sila sa nasabing teritoryo.