Wag mahiyang magtanong! Generic medicines, dekalidad, safe at murang gamot – DOH

Hinikayat ng Department of Health (DOH) ang publiko na tangkilikin rin ang mga generic na gamot dahil epektibo, ligtas, at mura ang mga ito.

Hinikayat ng Department of Health (DOH) ang mga Pilipino na tangkilikin rin ang mga generic na gamot.

Sa ginanap na “#MediaSolusyon Kapihan with Media Partners” ng DOH nitong Biyernes, Setyembre 23, ipinaliwanag ni Dr. Constante Caluya III, head ng Pharmaceutical Division Unit ng DOH, na epektibo rin ang mga generic na gamot dahil nilalaman rin nito ang mga active ingredients na nilalaman naman ng mga branded na gamot.

Bukod sa epektibo, mas mura rin ang mga generic na gamot at ligtas rin gamitin.

Kaugnay nito, hinimok ni Caluya ang mga doctor na laging ipagbigay alam sa kanilang mga pasyente ang tungkol sa mga generic na gamot.

“We encourage that you always emphasize the generic alternatives to your patients para din may option sila na mas abot-kayang presyo na safe and effective pa rin na gamot,” pahayag ni Caluya.

Ang panawagang ito ng DOH ay parte ng selebrasyon ng Generics Awareness Month, na may temang “Kalusugan ay Palakasin, Generics Ating Tangkilikin.”