Wag maangas sa daan! PNP suportado ang mas matinding parusa laban sa mga sangkot sa road rage

Nais ng PNP na magkaron ng batas na magpapataw ng mabibigat na parusa laban sa mga indibidwal na masasangkot sa road rage. Suportado naman ito ni Senador JV Ejercito.

Nais ng Philippine National Police (PNP) na mapatawan ng mas mabibigat na parusa ang mga taong sangkot sa road rage incidents.

Ito ay kasunod ng kabi-kabilang kaso ng road rage na naitala sa mga nagdaang linggo lamang, kabilang na ang naging viral na pangyayaring kinasangkutan ng dating pulis na si Wilfredo Gonzales, na nakuha sa video na nangbatok sa isang siklista na kinasahan rin niya ng baril.

Ayon kay PNP spokesman Col. Jean Fajardo, magandang magkaron ng batas na magpapataw ng matinding parusa sa mga maangas na motorista na mananakit o mang-aabusa ng kapwa nila motorista.

“Enacting laws, particularly addressing road rage, will be supported by your national police,” sambit ni Fajardo sa mga reporters noong Biyernes, Setyembre 8. “We don’t want these road rage incidents to increase.”

Samantala, suportado rin ni Senador JV Ejercito ang pagsulong sa nasabing batas bilang deterrent sa mga road rage incidents.