‘Wag lang puro sayaw, ah? PBBM, TikTok, tutulungan ang mga maliliit na negosyo sa bansa

May mga negosyanteng ginagamit ang TikTok para i-promote at ibenta ang kanilang mga produkto.

Nakatakdang tulungan ng TikTok ang mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs) sa bansa matapos makipag-ugnayan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa CEO nitong si Shou Zi Chew.

Nakapulong ni Marcos si Chew sa sidelines ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting sa San Francisco, California nitong Biyernes, Nobyembre 17 (Manila time), at napagkasunduan nilang sasanayin nila ang mga negosyanteng Pilipino sa paggamit ng TikTok upang isulong ang kanilang mga produkto.

“We want to give more resources and highlight and train the local sellers in the more rural parts of the country because that’s one thing interesting on the platform,” sabi ni Chew kay Marcos. “What we want to do is highlight local products, especially from smaller [sellers].”

Tiniyak rin ni Chew na ginagawa ng TikTok ang lahat para siguraduhing ligtas gamitin ang naturang app, lalo para sa mga nagnanais na gamitin ito sa negosyo.

Matatandaang iminungkahi na ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año ang total ban sa TikTok kung mapapatunayang ginagamit ito ng China upang tiktikan ang Pilipinas.