Wag lang bandila ang itaguyod dyan! Base ng militar, Coast Guard, itatayo para itaguyod ang teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea – Teodoro

Maaaring gamitin ng Hukbong Sandatahan tulad ng Navy or Air Force, o mga sibilyang ahensya gaya ng Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang mga himpilang itatayo sa kadulu-duluhan ng teritoryo ng bansa, ayon sa Department of National Defense.

Magtatatag ng karagdagang base para sa mga ahensya ng gobyerno at military ang bansa para protektahan ang teritoryo nito, lalo na sa mga karagatang inaangkin ng ibang bansa, ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.

“Wala pang napag-usapan na ganoon. Pero Philippine bases, definitely magdadagdag tayo,” sinabi ni Teodoro nang tanungin kung napagusapan na ba ng gobyerno at ng Estados Unidos kung magtatayo pa ng panibagong EDCA site matapos ang agresibong pagkilos ng China sa West Philippine Sea.

Hindi pa natutukoy ang mga karagdagang bagong himpilan, paliwanag ni Teodoro, ngunit nagbigay na siya ng direksyon sa Hukbong Sandatahan na itayo ang mga ito sa kadulu-duluhan ng teritoryo ng bansa kung maaari.

“Ito ay magiging joint Coast Guard, Philippine Navy or Philippine Air Force, at civilian sites kasi kinakailangan natin protektahan ang ating baselines,” ani Teodoro.

Sisimulan ang pagpaplano at karagdagang trabaho para sa mga himpilan sa susunod na taon, dagdag pa ng kalihim.

Pinatanggal kamakailan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang floating barrier na ikinabit ng Chinese Coast Guard sa bahagi ng karagatang sakop ng Pilipinas malapit sa Scarborough Shoal.

Ayon sa China, ikinabit ang barrier para itaboy ang mga Pilipinong mangingisda sa Scarborough Shoal, na tinatawag na Bajo de Masinloc ng mga taga-Zambales. Isa itong karaniwang palaot ng mga mangingisda doon.