Wag kalimutan ito at baka ma-late pa sa departure gate! Mag-rehistro sa eTravel system ng gobyerno para makaalis, makabalik ng Pilipinas — BI sa mga biyahero

Kailangan magrehistro ng lahat ng pasaherong aalis at uuwi ng Pilipinas sa eTravel, na isang requirement ng Bureau of Immigration na nakaposte sa lahat ng pandaigdigang airport at seaport sa bansa.

Pinaalalahanan ng Bureau of Immigration (BI) ang mga biyahero na magtutungo at aalis ng Pilipinas na gamitin ang electronic travel declaration system ng gobyerno, o eTravel, para hindi maabala sa kanilang paglalakbay ngayon holiday season.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, kailangan magrehistro ng lahat ng pasaherong aalis at uuwi ng Pilipinas sa eTravel, na isang requirement ng kawanihan na nakaposte sa lahat ng pandaigdigang airport at seaport sa bansa.

Malaking tulong ang eTravel sa pagpapatibay ng border control sa bansa, at makakatulong maibsan ang mahabang pila sa mga immigration counter, paliwanag pa ni Tansingco.

Hinikayat rin ni Tansingco ang mga airline companies na tulungan ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng proyekto bilang obligasyon nila sa kanilang mga pasahero.

“We have sent reminders to airline companies to remind passengers to register on the eTravel platform prior to arrival or departure from the country,” dagdag pa ni Tansingco.

Lahat ng mga biyaherong Pilipino, na uuwi o aalis ng Pilipinas, gayon din ang mga lokal at banyaga na crewmembers ng mga airline companies ay kinakailangan magrehistro sa eTravel.

Hindi saklaw ng panuntunan ang mga foreign diplomat at kanilang mga kaanak; mga foreign dignitaries at miyembro ng delegasyon; mga indibidwal na may 9(E) diplomatic visa; at mga indibidwal na may diplomatic at official/service passports.

Ang eTravel system ang pumalit sa mano-manong arrival at departure cards na dating ginagamit ng mga pasahero at isinusumite sa mga immigration counter bago tatakan ng kanilang passport.