‘Wag basta-basta maniwala sa boladas! 68 katao, nabiktima diumano ng recruitment scam papuntang Italy – DOJ

Pinagbayad daw ang mga biktima ng 3,000 euro – o P180,000 – kada isa, na maaaring hulugan ng tatlong installment, ayon sa mga biktima.

Humiling ng saklolo sa Department of Justice (DOJ) ang isang grupong nabiktima ng recruitment scam sa Italy.

Hindi bababa sa 68 katao ang lumapit kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla upang magsampa ng kaso laban sa isang management agency na pinatatakbo ng mga Pilipino, na nakilala sa komunidad ng OFW sa Italy.

Ayon sa mga biktima, hinihingan sila ng bayad na nagkakahalaga ng 3,000 euros o P180,000, na maaaring bayaran ng tatlong bigay na tig-1,000 euros kada isa.

“Inalam nila, mabilis nga. Yung iba three days meron na. So, nagtiwala ako at nag-pass ako ng application,” sinabi ni Apple Cabasis, isa sa mga biktima.

Ayon sa kanya, ipinadala ang mga work permit ng mga aplikante sa pamamagitan ng email o social media.

Ngunit nang isumite ng mga biktima ito sa Italian embassy para i-proseso ang kanilang work visa application, kaagad itong ibinasura dahil fake ang dokumento, ayon kay Cabasis.

“Ang iba dyan nagsanla ng bahay, lupa. Nagbenta po ang mga yan ng sasakyan. Nangutang sa mga porsyentuhan,” ani Cabasis.

Sinabi ni Remulla na nakahandang tumulong ang DOJ at ang National Bureau of Investigation para maghanda ng kaukulang kaso laban sa mga recruiter.

“We will help them draft complaints, affidavits. Kung ano yan, kung eto ay swindling, estafa, large scale estafa, qualified theft or whatever cases they are, we will draw out the truth,” ani Remulla.

Sa isang pahayag, itinanggi ng Alpha Assistenza SRL, ang inaakusahang ahensya, na may naganap na iligal na transaksyon.

“WE STRONGLY VEHEMENTLY DENY that we are involved in any irregular activities,” ayon sa kumpanya. “The facilitation and processing of application documents in the Philippines were first undertaken by hired liaison. However, the hired liaison had to take a leave.”

“We have conducted our investigations and found out that she also have collected monies from the applicants in the guise of additional fees, which we have no knowledge of,” dagdag ng kumpanya.