‘Wag ako! Remulla, nanindigan na ‘budol’ lang ang bumaliktad na mga aktibista

Hindi babawiin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang mga inihayag niya laban sa dalawang aktibistang na binawi ang pagsuko sa gobyerno.

Pinanindigan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang kanyang mga binitiwan na salita laban sa dalawang aktibistang nawala diumano, at sinabi na ang mga pahayag niya ay base sa kanyang karanasan.

Ayon kay Remulla, mukhang nadala sa “peer pressure” ang mga biktimang sina Jhed Tamano, 22, at Jonila Castro, 21 kaya nito binaliktad ang laman ng kanilang affidavit at inakusahan ang militar sa pagkidnap sa kanila.

“I have no misgivings about the statements I released on what happened to the activists having— trying to turn the tables on government… when in fact, we saw that in the surrender proper, they were accompanied by their parents,” ani Remulla, matapos itong umani ng batikos.

Paliwanag ni Remulla, nauunawaan niya na kadalasan, “politikal ang mga laban” ngunit nagtitiwala siya na tama ang pasya ng gobyerno sa pagtanggap nito sa pagsuko ng mga aktibista.

Kung ang opisyal ang tatanungin, naniniwala siyang bahagi ang insidente ng isang “playbook.”

“If there was a setup, it is part of the playbook, the playbook of the Communist Party of the Philippines to put the Philippines in a bad light in the international community,” ayon kay Remulla.

Hindi rin binigyan ng halaga ni Remulla ang mga komentong hindi na patas ang kagawaran dahil sa mga pahayag ni Remulla.

“We prosecute crimes, violations of Philippine Criminal Law, Philippine Statute, and that we will always be partial to victims of such crimes, and in the interest of the state, when the state is the victim of the crime, we will also be partial to the state,” ayon sa kalihim.

Maaaring humarap sa kasong perjury sina Tamano at Castro matapos nito bawiin ang kanilang mga sinumpaang salaysay.