Viva! Viva! Viva! Maynila, walang pasok sa Enero 9 para sa Traslacion 2024 — PBBM

Layon ng Proclamation No. 434 na mabigyan ng "full opportunity to participate in the occasion and enjoy the celebration” ang mga deboto ng Itim na Nazareno, na inaasahang dadagsa para sa Traslacion 2024.

Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Enero 9, 2024 bilang isang special non-working day sa Maynila upang mabigyan ng sapat na pagkakataon ang mga Manileñong deboto ng Itim na Nazareno na lumahok sa mga aktibidad para dito.

Kabilang sa mga aktibidad na pinakahihintay ng mga deboto ng banal na imahe ay ang Traslacion, na isang taunang pagsasadula sa paglipat ng 400-anyos na Itim Nazareno mula sa Intramuros patungo sa Simbahan ng Quiapo.

BASAHIN RIN: Ilang araw na lang at magbabalik na: Quiapo, nilinis ng Manila LGU bilang paghahanda sa Traslacion 2024

Ang deklarasyon ay nasasaad sa Proclamation No. 434 na pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Enero 4.

Ayon sa proklamasyon, kinansela ang pasok sa Maynila sa araw ng Traslacion para mabigyan ng “full opportunity to participate in the occasion and enjoy the celebration” ang mga deboto.

Magbabalik ang Traslacion sa Enero 9 matapos makansela ito mula 2021 hanggang 2023, kung kaya’t inaasahang dadagsang muli ang mga milyong-milyong deboto ng Itim na Nazareno.