VIRAL: Pasahero ninakawan ng Move It rider

Usapan ngayon sa social media ang post ng isang netizen para ibahagi ang masamang karanasan sa isang Move It rider na magnanakaw pala.

Usapan ngayon sa social media ang post ng isang netizen para ibahagi ang masamang karanasan sa isang Move It rider na magnanakaw pala.

Ayon sa Facebook post ni Ann Komiya, nag-book siya ng motorcycle taxi sa Cubao, Quezon City para pumunta sa Makati.

Noong una ay duda na siya sa rider dahil hindi raw ito nakasuot ng uniporme ng Move It.

“Usually they wear red uniforms or red helmets. Yung rider na yon naka gray shift and blue helmet. And yung face nya naka full face maxk kaya mata nya lang yung nakikita. Since hindi sya mukang rider ng Move It nung dumating sya sa pick up location ko hindi ko sya napansin agad,” saad ng netizen.

Lumapit lang siya sa rider nang tawagin na nito ang pangalan niya.

Kakaiba umano magmaneho ang rider at inuusog umano siya sa upuan. Nag-panic na ang pasahero dahil lumampas na sila sa drop off pero patuloy pa rin ang pag-andar ng rider.

Umabot na sila sa Pasay nang ibaba siya ng rider sa isang madilim na lugar at doon na kinuha ng rider ang kanyang bag.

“Siguro naiinis na sya dahil umiiyak na ako and nag decide sya na ibaba na ako. Pero bago nya ako ibaba sinabi nya muna na kailangan kong ibigay yung bag ko,” ayon sa pasahero.

Abot sa P4,000 ang natangay ng rider pati ang mga ID ng pasahero.

Panawagan ng pasahero sa mga motorcycle taxi rider na iwasan ang manloko ng kapwa dahil pare-pareho naman silang nagtatrabaho para sa kanilang pamilya.

Wala pang pahayag ang Move It hinggil sa naturang insidente.