Viral Chocolate Hills resort, aprub ng Protected Areas Management Board

Nabuking sa imbestigasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang Captain's Peak Garden Resort sa Chocolate Hills ay pinayagan ng Protected Areas Management Board (PAMB).

Nabuking sa imbestigasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang Captain’s Peak Garden Resort sa Chocolate Hills ay pinayagan ng Protected Areas Management Board (PAMB).

Ayon kay DILG Sec. Benhur Abalos, ang ilan sa mga papeles na taglay ng Captain’s Peak ay ang building permit mula sa munisipyo ng Sagbayan, Bohol at ang resolusyon galing sa PAMB.

“Merong building permit na inisyu ang munisipyo ng Sagbayan pero ang isang requirement ay ang ECC na hindi naman pa naiisyu and number 3 yung tinatawag na PAMB resolution ito kinuha ko nga ngayon, meron silang PAMB na inaallow ito, nakuha ito ng ating team,” wika ni Abalos.

Aniya, hihingin nila ang panig ng PAMB kung paano nakakuha ng resolusyon ang kontrobersyal na resort.

Bukod pa rito, duda si Abalos na sapat na ang papeles ng may-ari ng Captain’s Peak para suportahan ang legalidad nito.

“Ang tanong dito ay ito bang PAMB resolution ay enough, ito ba ay tama na para magkaroon ng resort,” dagdag pa niya.

Kaya naman, makikipag-ugnayan ang DILG sa Ombudsman sa pag-iimbestiga sa naturang resort.