Villafuerte sa FDA: Bilisan pag rehistro sa ASF vaccine

Nanawagan si Camarines Sur 2nd district Rep. LRay Villafuerte sa Food and Drug Administration (FDA) na pabilisin ang proseso ng pagrehistro ng bakuna laban sa African Swine Fever (ASF) bilang paghahanda sa nalalapit na nationwide inoculation drive.

Nanawagan si Camarines Sur 2nd district Rep. LRay Villafuerte sa Food and Drug Administration (FDA) na pabilisin ang proseso ng pagrehistro ng bakuna laban sa African Swine Fever (ASF) bilang paghahanda sa nalalapit na nationwide inoculation drive.

Ito’y kasunod ng pahayag ni Pangulong Marcos na target ng pamahalaan ang pagpapatupad ng bakuna sa Hunyo o Hulyo.

Walang dahilan, ayon kay Villafuerte, para patagalin pa ng FDA ang pag-accredit ng Avac vaccine mula Vietnam na inendorso ng Bureau of Animal Industry (BAI).

Binigyang-diin niya na noong pandemya ng Covid-19, mabilis na nagrehistro at nagbigay ng awtorisasyon ang FDA sa mga bakuna kontra Covid-19.

Bilang pinuno ng National Unity Party (NUP), iginiit ni Villafuerte na tanging programa ng immunization ang makakapigil sa pagkalat ng sakit sa mga baboy at makakatulong sa mga swine raiser na makabawi at makapagsimula muli.

Mahalaga ito lalo na sa mga backyard hog raiser na matagal nang naapektuhan ng ASF mula noong 2019. Ayon sa BAI, umabot na ito sa 5,324 barangay sa 73 probinsya sa loob ng limang taon.

Bilang tugon, inirerekomenda ni Villafuerte na magdeklara ang Department of Agriculture (DA) ng state of calamity sa mga lugar na tinamaan ng ASF upang mabilis na magamit ang pondo mula sa calamity o quick response funds para sa immunization drive. Ipinahayag din niya na dapat suportahan ng DA ng 100 porsyento ang gastusin sa bakuna para sa mga backyard raiser.