Valentine’s Gift? Philhealth Benefit Package Hike epektibo sa February 14

Aabot sa 30% ang itataas ng benefit packages ng Philhealth na bahagi ng inflation adjustment factor na kanilang ipatutupad.

Inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) na magiging epektibo sa February 14, 2024 ang pagtaas ng nakukuhang benepisyo na nakukuha ng kanilang mga miyembro.

Sa isang panayam, sinabi ni Philhealth spokesperson Rey Baleña na 30% ang itataas ng benefit packages na bahagi ng inflation adjustment factor na kanilang ipatutupad.

Kasabay ito ng nauna nilang pahayag na madadagdagan ang premium rate ng kanilang miyembro. “Layunin ng ating adjustment sa benefit packages, ang mapababa o mabura na ang balanseng binabayaran sa pagpapaospital,” ani Baleña.

Pero nilinaw ni Baleña na hindi lahat ng rate packages ay tataas gaya ng dialysis dahil nauna na itong nagkaroon ng adjustment.

Aniya, nagkaroon na ng adjustment sa dialysis kung saan sinagot na ng Philhealth dialysis sessions ng isang pasyente sa buong isang taon

Exempted rin sa rate adjustment ang high-risk pneumonia na hindi lang 30% ang itinaas noong isang taon. Mula sa dating P32,000 ay ginawa itong P90,100.

Tumaas naman ng 150% ang benefit coverage sa stroke patient, o nasa P76,000 mula sa P28,000 lamang.

Una nang inanunsyo ng Philhealth ang 5% na pagtataas sa premium o member contribution mula sa dating 4% bagamat hinihiling ng Department of Health (DOH) kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na ipagpaliban muna ito.

Sinabi naman ng Pangulo na pag-aaralan ito kasabay ng pagnanais na magkaroon ng dagdag benepisyo ang mga miyembro.