Uwi na muna habang libre pamasahe! Halos 60 na Pinoy sa Lebanon, sasailalim sa voluntary repatriation—PH Embassy

Nakatanggap ang Philippine Embassy sa Lebanon ng mga aplikasyon mula sa mga Pilipino doon na nagpahayag ng kanilang kagustuhang umuwi muna ng Pilipinas habang tumataas ang antas ng kaguluhan sa bansa.

Umabot na sa halos 60 na Pilipino ang tumugon sa apela ng gobyerno na pansamantalang lisanin muna ang Lebanon habang tumataas ang antas ng tension sa pagitan ng Israel at militanteng Hezbollah, ayon kay Philippine Ambassador to Lebanon Raymond Balatbat.

Ayon kay Balatbat, nakatanggap ang embahada ng 59 na aplikasyon mula sa mga Pilipino doon na nagpahayag ng kanilang kagustuhang umuwi muna ng Pilipinas.

Nilagay ng gobyerno sa Alert Level 3 ang status ng Lebanon, kung saan hinihikayat ang mga Pilipinong naninirahan doon na kusang-loob munang lumikas dahil sa tumataas na tensyon sa bansa.

“It’s quite normal for the Filipinos, especially the long-serving Filipinos here, they’re quite immune to this crisis. They’ve been through a lot of crises, especially those who’ve been here for 20, 30, 40 years. Actually it’s the newcomers who are really a bit very worried about the situation,” sinabi ni Balatbat sa isang panayam.

Mula sa 59 na aplikasyon, tatlo lang ang nasa katimugan ng Lebanon na malapit sa border nito sa Israel kung saan mainit na rin ang bakbakan, ayon sa opisyal.

Dagdag pa ni Balatbat na karamihan sa mga aplikante ay nagmumula sa Beirut at Mount Lebanon.

Tinatayang nasa 17,500 na Pilipino ang naninirahan sa Lebanon.

“The intensity and frequency of the military exchanges, the mortars, the artilleries, the missile exchanges between Hezbollah and Israel have been increasing in frequency over the past few days. Foreigners are urged to leave by their embassies and a number of airlines have been cutting down the flights to Beirut,” kwento ni Balatbat sa kasalukuyang sitwasyon sa Lebanon.