Uunti-untiin ni PBBM ‘yan: Utang ng gobyerno, bumaba nitong Setyembre

Bumaba ng bahagya ang pangkalahatang utang ng Pilipinas dahil sa mga ibinayad ng pamahalaan nitong Setyembre.

Inanunsiyo ng Bureau of Treasury (BTr) na bahagyang bumaba ang utang ng pamahalaan nitong Setyembre. Ayon sa BTr, ang pagbabang ito ay dahil sa pagbabayad ng pamahalaan sa mga utang nito sa loob at labas ng bansa.

Batay sa datos ng BTr, ang utang ng pamahalaan nang matapos ang Setyembre ay P14.27 trilyon—o P80.9 bilyon na mas mababa sa P14.7 trilyong utang ng gobyerno noong Agosto. Sa kabuuan, bumaba ng 0.6 porsiyento ang naturang utang dahil sa “net repayments of both domestic and external obligations for the month.”

“Of the total debt stock, 31.8 percent are from external sources while 68.2 percent are from domestic borrowings,” paliwanag pa ng BTr.

Ang domestic debt o ang mga utang ng pamahalaan sa loob ng bansa ay nagkakahalaga ng P9.73 trillion—o 0.6 porsiyentong mas mababa kesa noong Agosto.

Ang external debt naman ng bansa, o ang mga utang nito sa mga banyagang institusyon, ay nagkakahalaga ng P4.53 trilyon—o 0.5 porsiyentong mas mababa kesa noong Agosto.